Kung saan tayo madalas na magkita, mag-usap.
Nababakbak na ang pintura sa mga dingding nito at
Sira na din ang isang bintanang animo’y rehas sa malayo
Mula doon, madalas kitang natatanaw dati
Na bitbit-bitbit ang mga pulang salita habang pinapapak
Ang mga ideolohiyang hanggang ngayon ay di ko lubusang mayakap.
Hinanap kita.
Hinanap kita sa loob ng restaurant kung saan madalas tayong kumain
Kapag naghihingalo na ang ating mga bulsa
At isang gabi, noong magkasama tayo doon…at isinulat ko sa
Isang piraso ng tisyu ang mga salitang dalawang buwang lumutang
At minsang nagtago sa mga watak-watak na sulok ng aking isipan.
Hindi tayo natulog noon; parehong nanatiling uhaw sa mga paliwanag
Sa likod ng katahimikan ng isang tasa ng kape na
Dapat sana ay paghahatian natin ngunit naubos ko.
Hinanap kita.
Hinanap kita sa pagitan ng pag-untog ng mga bote at pagsayaw ng usok
Sa kumpas ng tugtog ng ating mga problema at sikreto sa buhay
Magkukwento ka, makikinig ako; magkukwento ako, makikinig ka.
Subalit marami pa din tayong di alam tungkol sa isa’t isa.
Katulad ng mga kasinungaling sinabi ko noon
At katulad ng mga isinagot mo sa kasinungalingang iyon.
Saksi ang mga usok at patunay ang mga bote
Hinanap kita.
Hinanap kita sa may sakayan ng jeep,
Malapit sa ale na nagbebenta ng yosi at kendi;
Hinanap kita sa ilalim ng ingay ng tawanan ng mga batang
Lagi tayong hinihingan ng piso;
Hinanap kita sa may tindahan ng paborito nating siomai,
Sa ilalim ng footbridge kung saan madalas tayong sumilong
Hinanap kita hanggang sa mapudpod ang aking tsinelas
At manghina ang aking mga paa.
Sa wakas natagpuan din kita.
Naghihintay ka lang pala sa may tabi ng daan.
Nahanap kita sa likod ng ating pagkakaibigan.
![]() |
| what we look for deepends on what we need... |

No comments:
Post a Comment