Sunday, April 1, 2012

muli

Habang binabasa ko ang mga naitago kong kopya ng mga pag-uusap natin
Muling naglaro sa aking isipan ang mga gabing hinangad kong hindi na matapos
Katulad ng mga kwentuhan natin dati na napanis na ng mga bagong alaala
Mga kwentuhang iginuhit natin sa likod ng ating pag-iisa
Magkasamang nag-iisa.
Naalala mo pa  ba nung sinabi mo sa aking nanghihinayang ka
Sa pagkakataong sayo na lumapit pero nakuha pa ng iba
Wala akong nasabi dahil sa pagkakataong iyon, nahulog na ko
Sa balon ng pag-aakala at panaginip
At sabay nating nilunod ang ating mga sarili sa mga baka sakali at sana.
Subalit mas malalim ang pagkakalubog ko at tinangka ko pang sagipin ka
Unti-unti kang nakaahon, nakabangon habang ako’y naiwang nagtatanong,
Ano nga ba ang silbi ng mga panaginip kung gigisingin ka din naman ng realidad?
Para saan ang mga pangarap kung mananatili din lamang itong mga pangarap?
At sabay nating hinanap ang mga kasagutan sa mga bote ng alak
At mga pakete ng sigarilyo hanggang sa ibalik ng umaga ang ating mga katinuan.
Sa bawat hagod ng mga alak na iyon sa aking lalamunan ay ang pagsalo ko
Sa bawat patak ng pag-asa...
Pag-asa na para sa’yo ay nawala at nasayang,
Pag-asa na para sa akin, sa’yo ko natagpuan.
At kasabay ng paghithit mo sa yosing kasing ikli na ng panahong natitira,
Unti-unti ding nalululong ang tiwalang minsan mong nahanap sa akin.
Hindi naman talaga bulag ang pag-ibig, at lalong hindi din bulag ang mga umiibig
Ang katotohanan ay nagkukubli sa likod ng mga kamalian
Mga kamaliang nakikita ngunit hindi nagiging mahalaga
Mga kakulangan pinupunan ng mga pusong umiibig at umaasa.
Alam mong hindi kita hinanap, dumating ka lamang
Dumating at nanatili sa tabi ko noong ako ay naghihintay
Hindi na ko babalik, at malapit ka na ring umalis...
Ang tanging naiwan ay ang pader na binuo ng katahimikan sa pagitan nating dalawa
Sa mga muling paghaharap na nauuwi sa pag-iwas.
Sana ay itigil na natin ito.
At sana ay maging mailap ang mga pagkakataon para tayo ay muling magkita,
Sana matagal pa...
Sana sa pagkakataong hindi inaasahan at maaalala lamang natin
Ang mga araw at gabing nilamon tayo ng ating pagkabata.
At maalala na lang natin na minsan tayong naging masaya.
Balang araw...Ikaw.Ako. Mas masaya, sa susunod nating pagkikita.




No comments:

Post a Comment