Hinawi mo ang kurtina at sumilip ang kakarampot
na liwanag mula sa mga nananamlay na ilaw sa labas.
Nakakatitig ka lamang sa kung saan na tila
May inaabangan kang ni ikaw mismo hindi mo maipaliwanag.
Binuksan mo ang malaking bintana.
Tinawag kita at ika’y lumapit.
Nakahiga tayo doon na mas pagod pa ang mga isip
kaysa sa katawan.
Tumaliko ako sa’yo at niyakap mo ako.
Hindi ako umimik.
Tatlong magkakasunod na trak ang bumulyaw
At bumasag sa ingay ng mga salitang hindi
Natin masabi sa isa’t isa.
Marahil may sunog na naman sa kung saan.
Umupo ka at nagsindi ng yosi.
Sabi ko, “Wag…”
Pinutol mo iyon gamit ang dalawang
Daliri at nagsindi ulit ng bago.
Umupo ako at inagaw ang yosi mula sa iyo,
Sabay sindi nito. Hindi mo ako pinigilan.
Humiga ulit tayong parehong mabigat ang ulo.
Sabay na nakiramdam sa malamig na
Hangin na biglang nanuot sa kumot at mga unan.
Naramdaman kong uminit ang mukha ko nang pumikit ako
At hindi na kita makita sa pagitan ng
Pakiramdam at nararamdaman.
Miyerkules, ala –una y media ng medaling araw,
Itinulak kita mula sa ikalawang palapag ng mga pangarap natin
At kasabay mo akong nahulog.
At sabay tayong bumagsak…na mas buo pa kaysa nung
Una nating natagpuan ang isa’t isa.
Miyerkules, unang araw ng buwan,
Nang huli tayong nanaginip nang hindi alam
Kung kalian magigising o kung magigising pa man.
At heto tayo ngayong muli, sa kamang ito
Magkatabi, ni ayaw man lamang dalawin ng antok
O ng kahit anong pahiwatig ng paparating na umaga.
Tumayo kang muli at sinundan lamang kita ng tingin.
Lumingon ka at inabot ang iyong kamay sa akin.
Dahan-dahan din akong bumangon, nag-aalangang lumayo
Sa piling ng kama.
Hinila mo ako papalapit sa’yo at tumayo tayo doon,
Magkadikit ang mga katawan, magkahawak kamay
Na tila sasayaw.
At sabay tayong lumukso mula sa tuktok
Ng mga pangakong hindi nasabi at
Pagsuyong nabalewala
At saka kumaway ang mga kurtina, nagpaalam ang
Kwartong naging bulag na saksi sa kwento nating dalawa.
Natapos na din ang gabi
Na tangi nating pag-asa.
*May 1, 2013
*May 1, 2013
